Mahalagang ambag sa pagsulong ng kultura at kabihasnang Pilipino ang mga monolinggwal na diksyunaryo ng wikang Filipino. Ibig sabihin nito’y mga salitang Filipino ang mga entri at ang mga kahulugan at paliwanag ay nasa Filipino din.
Ang kasalukuyang binabalak na UP Monolinggwal na Diskyunaryong Filipino (UPMDF) ang magiging pinakaunang diksyunaryo sa Pilipinas na nakabatay sa isang digital text corpus. Ang UPMDF din marahil ang mauuna sa paggamit ng mga prosesong semi-automated at computer-aided sa pagbubuo ng diksyunaryo mismo.
Bubuuin ang digital corpus ng kontemporaryong wikang Filipino ng iba’t ibang uri ng teksto na galing sa mga nakasulat at pabigkas na batis. Ito naman ang pagbabatayan ng mga salitang maipapaloob sa diksyunaryo at ng mga depinisyon, halimbawa ng paggamit, at iba pang mga impormasyong kalakip ng bawat entri.
Maituturing bilang dalawang pangmatagalang ambag ng proyekto ang digital corpus ng kontemporaryong wikang Filipino na inaasahang aabot sa 30 milyon na salita at ang diksyonaryo mismo na may 20,000+ na entri na magkakaroon ng mga bersyong nakalimbag, CD-rom at Online.
Binubuo ang team ng UPMDF ng interdisiplinaryong grupo galing sa mga larangan ng linggwistika, Filipino at inhinyeriya.